Ang teatro ay hindi lamang espasyo para sa aliwan; ito ay isang matapang na lunsaran ng katotohanan na nagpapalakas ng ating kamalayan, lalo na sa panahon ng matinding kaguluhan at krisis. Ngayong World Theatre Day, muli nating itinatanghal ang kapangyarihan ng sining upang maging tanglaw sa gitna ng dilim na bumabalot sa ating lipunan.
Sa bawat pag-angat ng tabing, nagsisilbing tagapagmulat ang teatro. Wala itong pangingiming ipinapakita ang mga siwang, sira, at lamat—ang mga "cracks" sa isang gobyernong pilit na nagtatago sa likod ng huwad na kaayusan at panlilinlang. Sa pamamagitan ng ating mga dula at pagtatanghal, hindi natin hinahayaang ibaon sa limot ang mga kapalpakan at katiwaliang patuloy na nagpapahirap sa bayan. Ibinibilad ng teatro ang mga kabulukang pilit nilang pinagtatakpan.
Higit sa lahat, ang teatro ay sining na nagpapatibay sa lakas ng boses ng mga hindi napapakinggan. Ito ang nagsisilbing entablado ng mga minorya at ng mga nasa laylayan—ang mga inaapi, pinagkakaitan ng karapatan, at pilit isinasantabi ng lipunan. Sa bawat dayalogo, awit, at pag-arte, binibigyan natin sila ng espasyo upang sumigaw at igiit ang kanilang halaga at karapatan sa mundong pilit silang binubura.
Ngayong World Theatre Day, patuloy nating gawing sandata ang sining ng pagtatanghal. Itanghal natin ang mga kuwentong gigising sa natutulog na kamalayan. Huwag tayong matakot na tapatan ang mga lamat ng pamahalaan at iparinig ang umaalingawngaw na boses ng masa. Ang entablado ay atin—patuloy tayong lumikha, patuloy tayong maningil, at patuloy tayong tumindig.