DOBOL: ISANG DULA NG PAMAMAALAM

PRESS RELEASE 


June 2026


LUNGSOD NG QUEZON, METRO MANILA — Opisyal na inihahandog ng UP Dulaang Laboratoryo ang isang napapanahon at malalim na produksyon na pinamagatang "DOBOL: Isang Dula ng Pamamaalam". Ang natatanging pagtatanghal na ito ay pinangungunahan ng thesis proponent na si Angelito "Gel" S. Bergonio, isang alagad ng sining panteatro, performer, at lingkod-bayan na may malalim na pagmamahal sa pag-arte at paglikha ng kuwento.


Ang Puso at Kwento ng DOBOL

Ang naratibo ng dula ay nagbubukas sa huling eksena sa shooting ng isang action film. Dito, isang lalaki ang lulundag mula sa tuktok ng Quezon Bridge sa Maynila patungo sa burak ng Ilog Pasig, kapalit ng ilang salapi para matustusan ang kanyang kabuhayan. Sa mga huling segundong siya ay nakalutang sa ere bago tuluyang lamunin ng tubig, aagos sa kanyang isipan ang lahat ng pinagdaanang galak at hinagpis sa kanyang buhay at pag-ibig. Sa mahalagang sandaling ito ng pagbabalik-tanaw, mapagtatanto niya ang higit pang mga malalalim na dahilan sa likod ng kanyang pagtalon. Bilang isang dula ng pamamaalam, iniiwan nito ang isang mapanghamong tanong sa mga manonood: ano pa bang mga bagay ang handa nating iwanan?.


Sining na Nakalapat sa Reyalidad at Adbokasiya

Hindi lamang ito kwento ng isang payak na stunt double. Isa sa mga pangunahing adbokasiya ng produksyon ay ang hindi lang mailahad ang naratibo ng karakter, ngunit ang makapag mulat din sa kamalayan ng lipunan. Upang matiyak na ang mga miyembro ng produksyon ay grounded sa tunay na danas ng lipunan at mas maintindihan ang mundong ginagalawan ng piyesa, nagsagawa ang grupo ng mga seryosong aktibidad at diskusyon:


Inilarawan ang DOBOL bilang isang taos-pusong love letter para sa mga kapatid sa LGBTQIA+ community at para sa mga walang-pagod na manggagawa sa industriya ng entertainment, pelikula, pagtatanghal, produksyon, at entablado. Binibigyang-boses nito ang mga taong madalas nasa likod ng kamera at telon—ang mga laging pumapangalawa at sumasalo ng bigat at peligro, ngunit bihirang mabigyan ng sariling liwanag at pagkilala. Sa pagtatapos ng Pride Month, maghahayag ang dula ng kwento ng buhay ni Lalaki at magtatanong kung kailan ba talaga nagkaroon ng boses ang mga bading, at kung tunay ba itong napakikinggan sa lipunan.

Ang Thesis Proponent: Pag-aalay ng Sarili sa Sining

Itinatampok si Gel Bergonio, isang fourth-year student na kumukuha ng Bachelor of Arts (Theatre Arts: Performance) sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Sa kanyang akademikong paglalakbay, nilalayon niyang unawain kung paano hinuhubog ng mga site-specific at found spaces ang pagtatanghal at ang naratibo ng isang dula. Nakatuon ang kanyang praktis sa performance-as-research, lalo na sa pag-aaral kung paano ang pisikal na kapaligiran, kalakip ang mga limitasyon at kalayaan nito, ay nagbibigay-hugis sa katauhan, emosyon, at presensya ng isang aktor sa labas ng tradisyunal na entablado.


Ayon kay Gel, ang entablado ay hindi lamang isang espasyo ng pagganap kundi isang altar ng katotohanan at salamin ng lipunan. Sa loob ng kanyang apat na taon sa unibersidad, hinubog niya ang kanyang sining sa pamamagitan ng pagyakap sa iba't ibang katauhan.


Ang bawat papel na kanyang ginampanan sa nakaraan ay nagsilbing baitang patungo sa kanyang pinakamahalaga at pinakapersonal na pagtatanghal, ang DOBOL. Sa pagganap bilang "Lalaki", isang karakter na pinagsama-sama ng isang sirena-slash-dobol-slash-loverboy-slash-sisterette, hinahamon ni Gel ang kanyang sarili na lundagin ang malalim na bangin sa pagitan ng sining at realidad. Dito nasusubukan ang kanyang teknikal na galing sa pag-arte sa pamamagitan ng emosyonal na bigat ng isang kwentong malapit sa kanyang puso.


"Sa prosesong ito, binuksan ko ang aking puso at sarili upang mas makilala ang aking pagkatao. Hindi man kami pareho ng danas ni Lalaki, ramdam ko ang ligaya, bigat, at sakit na naidulot sa kanya ng pagmamahal." — Gel Bergonio


Isang Pangkalahatang Mensahe ng Pag-ibig

Higit sa mga usapin ng sekswalidad at kasarian, ang kwento ng DOBOL ay nakaugat sa isang unibersal na paksa na likas na pamilyar sa lahat: ang PAG-IBIG. Ipinapakita nito ang paghamak sa lahat ng bagay upang maibigay lamang ang sa tingin nating nararapat para sa ating minamahal. Binibigyang-diin ng dula na maaaring hindi ka bakla, ngunit siguradong pamilyar ka sa sakit at ligayang dulot ng buong pusong pag-aalay ng sarili para sa iba.


Ang pagtalon mula sa Quezon Bridge ay hindi lamang isang aksyon sa dula; ito ay simbolo ng ganap na pagsuko ni Gel at pag-aalay ng kanyang utak at puso para sa sining na naniniwalang ang pag-ibig at boses ng bawat bading ay karapat-dapat pakinggan, unawain, at ipagdiwang.


“ Sa huling pagkakataon bilang isang thesis proponent, buong-buong kong inihahandog hindi lamang ang isang karakter, kundi ang aking buong kaluluwa. Kaisa ng entablado at ng buong produksyon, handa na akong lumundag, handang lumaban, at handang magpaalam.”  — Gel Bergonio


###