Panimulang Mensahe para sa #UmalpasAtMagtanghal #CALPride2023
Isang napaka kulay, at punong puno ng pag-ibig na hapon sa atin lahat. Ako si Gel Bergonio, pangkalahatang-sekretarya ng Konseho ng mga Bagong Mag-aaral ng Kolehiyo ng Arte at Literatura
Lubos akong nagagalak na makita kayong lahat upang pag-initin, pag-alabin, at patuloy na tumindig para sa ating komunidad. Sa araw na ito, tayo ay nagtitipon bilang isang malakas at matatag na LGBTQIA+ Community, na may layuning palawakin pa ang ating espasyo at pag-iral sa lipunan.
Sa bawat isa sa atin, may dala-dalang lakas at angking kakayahan. At sa pamamagitan ng ating pagkakaisa, mas patitibayin natin ang ating boses at puwersa bilang komunidad. Ang ating mga tinig ay dapat marinig at bigyang halaga, at dapat nating gamitin ang kanya kanyang lakas upang ipahayag ang ating mga pangangailangan at karapatan.
Sa ating pagkilos, hindi natin dapat kalimutan ang mga naaapi at naisasantabi. Sa bawat hakbang nating ginagawa, tayo ay naglalayong maging tinig ng mga nalulugmok sa diskriminasyon at pang-aapi. Sa pamamagitan ng ating kolektibong pagkilos at pakikiisa, malalampasan natin ang mga hadlang at maabot ang tagumpay na ating ninanais.
Sa ating pagtahak sa landas ng tagumpay, maaari nating isulong ang isang lipunang malayo sa diskriminasyon. Ang pagkakapantay-pantay at paggalang sa lahat ng uri ng pagkakakilanlan ay dapat maging pundasyon ng ating lipunan. Nariyan ang ating tungkulin na labanan ang umiiral na macho-pyudal na sistema na patuloy na nagpapahamak at tumapak sa ating komunidad.
At hindi rin natin dapat kalimutan na pasalamatan sa ating mga Ally. Sila ang mga taong patuloy na lumalaban at tumitindig kasama natin. Sa bawat sandali na binibigyan nila tayo ng suporta at pagmamahal, nadarama natin ang lakas ng ating komunidad na patuloy na lumalaban para sa pagkakapantay-pantay at katarungan.
Ngayon na angkop na panahon na ipasa ang SOGIE Equality. Ang pagkilala at pagbibigay ng proteksyon sa karapatan ng bawat indibidwal na batay sa kanilang sexual orientation, gender identity, at expression ay isang mahalagang hakbang tungo sa isang mas makatarungan at pantay na lipunan. Isang lipunan kung saan ang bawat isa ay malaya at nagkakaisa, walang pinipiling kulay, kasarian, o pagkakakilanlan.
Nawa'y sa araw na ito, at sa mga susunod pang mga okasyon, patuloy tayong magtulungan, magsama-sama, at magpatibay ng ating pagkakakilanlan. Ang ating pagtitipon na ito ay hindi lamang isang pagdiriwang, ito ay isang pagpapahayag ng ating pagmamahal sa isa't isa at ang ating determinasyon na mabuhay nang malayo sa diskriminasyon. Sa bawat hakbang natin, malalapit tayo sa isang lipunang tumatanggap, nagmamahal, at nagbibigay-pugay sa lahat ng uri ng pagkakakilanlan.
Tayo ang mga tagapagtaguyod ng pagbabago. Tayo ang mga taga-hubog ng hinaharap na mas malawak, mas pantay, at mas naglalakbay tungo sa katarungan. Sa bawat pagkilos natin, tayo ay nagpapakita ng tapang, resiliensya, at pagmamahal.
Samahan natin ang isa't isa, sa pagsulong ng ating adbokasiya at hangarin. Sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at pagkilos bilang isang malakas at matatag na LGBTQIA+ Community, maaabot natin ang tagumpay na inaasam.
Ngayon, tayo'y magsama-sama, magsaya, at magpalakas. Ipagpatuloy natin ang ating laban, ang ating pangarap, at ang ating pagmamahal.
Pag-alabin ang ating sigaw, Maki-beki, Huwag ma-shotok!
Muli, Isang napaka kulay, at punong puno ng pag-ibig na hapon sa atin lahat. Ako si Gel Bergonio, pangkalahatang-sekretarya ng Konseho ng mga Bagong Mag-aaral ng Kolehiyo ng Arte at Literatura.